
Dalawa ang nasawi at halos 18,500 residente ang napilitang lumikas dahil sa malakas na pag-ulan na dala ng bagyong Ramil sa mga lalawigan ng Capiz at Iloilo.
Batay sa ulat ng Office of Civil Defense-Region 6, parehong taga-Capiz ang mga nasawi. Kinilala ng Capiz Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga biktima na sina Rizaldo Base Balgos ng Roxas City at Mae Urdelas ng bayan ng Ivisan.
Habang tinatayang mahigit 9,700 residente sa Capiz at higit 8,700 naman sa Iloilo ang naapektuhan ng pagbaha at napilitang lumikas.
Bagama’t karaniwan ang pagbaha sa ilang bayan ng Capiz tulad ng Sigma, ikinabigla umano ng marami ang hindi inaasahang pagtaas ng tubig sa Roxas City na nagdulot ng matinding perwisyo. Libo-libo ang naapektuhan nang malubog sa baha ang kabisera ng lalawigan.
Malalaking pagbaha rin ang naiulat sa mga bayan ng Estancia, Balasan, Batad at Barotac Viejo sa hilagang Iloilo. Karamihan sa mga binahang lugar ay bumaba na ang tubig.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa mga lokal na pamahalaan sa Capiz at hilagang Iloilo para sa relief operations