
Isang 80-anyos na babae ang dalawang oras na naging bihag ng sariling anak na lasing sa kanilang tahanan sa Barangay Highway Hills, Mandaluyong City noong Sabado ng gabi, Oktubre 18.
Nakahingi ng tulong ang biktima matapos itong makasilip sa balkonahe, dahilan upang agad makipag-ugnayan ang mga tanod sa Mandaluyong City Police-Sector 6.
Makalipas ang 10 minuto, rumesponde ang Special Weapons and Actions Team (SWAT) ng Mandaluyong City Police. Umabot sa halos isang oras ang negosasyon sa 53-anyos na lalaki bago tuluyang pasukin ng mga operatiba ang bahay.
Ayon kay Police Capt. Juanito Arabejo, commander ng Mandaluyong Police-Sector 6, nakatulong ang layout ng bahay na ibinigay ng mga kaanak upang maayos na mapagplanuhan ang operasyon at maaresto ang suspek.
“Do’n tayo nakakuha ng chance na kung paano siya papasukin. Pagpasok po ng SWAT natin doon, nandoon po yung suspek, nagulat po siya. Yung nanay po niya [ay] nasa kwarto, binabantayan n’ya. So, hindi makalabas yung nanay n’ya,” ani PCapt. Arabejo sa media.
Narekober sa bahay ang isang replika ng baril na ginamit umano ng lalaki upang takutin ang kanyang ina. Patuloy pang inaalam ang motibo, ngunit batay sa paunang imbestigasyon, matagal nang sinasaktan ng suspek ang biktima tuwing ito’y nalalasing.“Allegedly, sabi ng nanay niya, ‘pag yung anak niya [ay] nakakainom, sinasaktan [siya ng anak niya],” anang pulisya.
Sumailalim sa medical examination ang ginang dahil sa matinding pangamba at trauma. Inihahanda na ng pulisya ang mga kaso na isasampa laban sa suspek.