
Arestado na ang suspek sa viral na insidente ng panghoholdap sa isang 80-anyos na lalaki sa Gagalangin, Tondo, Maynila, ayon sa Manila Police District – Police Station 1 (MPD-PS1).
Pinangunahan ni Station Commander Lt. Col. Ronald De Leon ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek matapos makatanggap ng ulat mula sa biktima nang makalipas ang ilang araw.
Batay sa CCTV footage, makikitang naglalakad ang matandang biktima habang may tungkod nang lapitan siya ng suspek at kuhanin ang kaniyang pitaka mula sa bulsa.
Sa kabila ng delayed na pagre-report ng biktima, natukoy at natunton ng mga awtoridad ang suspek sa pamamagitan ng video evidence at backtracking operations na pinamunuan ni Cpt. Albert Badiola.
Kinilala ang suspek sa alyas “Albert,” na agad na inaresto ng mga pulis. Sa operasyon, nabawi ang pitaka ng biktima at nakumpiska rin ang mga ipinagbabawal na gamot mula sa pagmamay-ari ng suspek.
Nahaharap ngayon si “Albert” sa kasong theft at paglabag sa Republic Act 9165, Section 11 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nagpasalamat naman ang biktima at ang kaniyang pamilya sa mabilis na aksyon ng mga pulis at sa agarang pagkamit ng hustisya.