
Kritikal na nang matagpuan ang walong taong gulang na batang babae sa malapit sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Barangay Sapang Biabas, Mabalacat City, Pampanga.
Ayon sa mga ulat, huling namataan ang Grade-2 student na biktima sa isang piso net shop mula sa kuha ng CCTV.
Batay sa kuha umano ng CCTV, makikita ang paglapit sa kaniya ng isang 20-anyos na lalaki kung saan tinapik siya nito sa biktima at saka sila lumabas nang magkasunod mula sa nasabing computer shop.
Matapos nito, hindi raw nakauwi ang biktima, kung kaya’t agad na nakipag-ugnayan ang kaniyang pamilya sa barangay.
Natagpuan ang biktima na walang malay at wala rin umanong saplot pang-ibaba. Puno rin ng sugat ang kaniyang katawan at hinihanalang ginahasa at inuuntog sa pader ang biktima.
“Nagtanong ang barangay kung may nakita po silang bata doon sa NLEX at positive, at dinala na po sa ina dahil wala na po itong saplot. Talagang critical… halos hindi po niya maimulat ang kanyang mga mata kasi allegedly ito nga po ay pinagpupokpok ng bato at iniuntog ang ulo [ng biktima sa pader],” ani WCPD Chief PCapt. Catherine Maiz sa panayam sa media.
Agad na isinugod ang biktima sa Ospital Ning Angeles ngunit kalaunan ay inilipat din sa mas malaking ospital bunsod ng natamong pinsala sa kaniyang ulo.
Samantala, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na nahaharap sa statutory rape with frustrated murder in relation to Republic Act 7610 or the Anti-Child Abuse Law.