
Umani ng kaliwa’t kanang batikos mula sa mga netizen ang isang viral na larawan ng Tagaytay Flyover matapos itong kumalat sa social media ngayong linggo.
Sa nagkalat na mga larawan, makikita ang bahagi ng flyover na umano’y makitid at tila hindi pantay na sukat nito, bagay na agad pinuna ng publiko.
Mabilis na umani ng libo-libong reaksiyon ang nasabing larawan, kung saan marami ang nagtanong tungkol sa plano, disenyo, at kahalagahan ng proyekto. May ilan ding naghamon sa lokal na pamahalaan at sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na magbigay ng paliwanag tungkol sa aktuwal na layunin ng istruktura.
Isa-isang inihayag ng netizens ang kanilang kritisismo:
“Para saan ang flyover kung wala naman itong dinadaanan?”
“Sayang ang pondo. Mas kailangan ng maayos na kalsada at drainage dito.”
“Imbes na makatulong sa trapiko, mukha pa itong dekorasyon.”
“May feasibility study ba ito bago sinimulan?”
“Kung ganito rin lang ang kalalabasan, mas mabuti pang i-review ang mga proyekto bago gastusan.”
“Kung ganito na naman ang proyekto, parang inuulit lang ang maling sistema.”
“Ano ‘to temple run?”
“Pagdaan mo dito diretso Taal na!”
May ilang nagkomento rin na dapat maging mas bukas ang lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng project details upang maiwasan ang haka-haka at maling impresyon sa publiko. Samantala, may iilan namang nagbigay ng mas mahinahong pananaw at nagsabing maaaring bahagi pa lamang ito ng mas malaking proyekto.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang lokal na pamahalaan o ang DPWH hinggil sa isyu, ngunit nananawagan ang publiko ng klaripikasyon upang malaman kung ano ang tunay na layunin at magiging benepisyo ng flyover sa daloy ng trapiko sa Tagaytay.
Patuloy na tumatakbo ang diskusyon online, habang hinihintay ng mga netizen ang tugon mula sa mga kinauukulan.