
Nasawi ang isang 39-anyos na guro matapos barilin ng kaniyang asawa sa loob ng Abanga Elementary School sa Barangay Abanga, Matalom, Leyte.
Ayon sa pulisya, pumasok ang 40-anyos na suspek sa silid-aralan at binaril ang kaniyang misis pasado alas-11 ng umaga. Nagsisigaw umano ng saklolo ang biktima sa kaniyang mga kasamahan bago ito tuluyang mawalan ng malay.
Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek sakay ng isang puting minivan patungo sa kabayanan ng Matalom. Agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad upang madakip ang suspek.
Kalaunan ay kinumpirma ng pulisya na natagpuang wala nang buhay ang suspek, ngunit hindi pa ibinubunyag ang detalye hinggil sa kaniyang pagkamatay.
Patuloy ang malalimang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng krimen. Kabilang ang posibilidad ng alitan sa pamilya o personal na problema.
Nagpahayag naman ng pangamba ang mga lokal na opisyal at kinatawan ng sektor ng edukasyon, na tinawag ang insidente bilang isang trahedyang paalala na maaaring humantong sa karahasan ang mga sigalot sa tahanan, kahit sa pampublikong lugar.
Tiniyak ng pulisya na magpapatuloy ang imbestigasyon upang makamit ang hustisya para sa nasawing guro at sa kaniyang pamilya.