
Nagtangkang pasukin ng ilang raliyista ang tanggapan ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) na nasa loob ng compound ng Department of Energy (DOE) sa Taguig City, nitong Biyernes, Oktubre 24, 2025.
Sa video na nagkalat sa social media mapapanood ang dali-daling pagharang ng mga pulis at pagsara ng gate ng DOE habang tumatakbo patungo doon ang mga raliyista. Ilan sa nasabing grupo ang sinubukang makipagtulakan sa pulis at nasabing gate.
Sigaw ng grupo, “Papasukin n’yo kami mga pulis nandito kami para ipahayag ang aming mga galit.”
Bitbit din ng grupo ang panawagang itigil na raw ng ICI ang cover-up at imbestigahan ang dapat maibestigahan na mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Matatandaang inulan na ng kritisismo mula sa publiko ang ICI matapos ang hindi nito pagsasapubliko sa kanilang mga pagdinig.
Samantala, noong Miyerkules Oktubre 22 nang ihayag sa Senado ng ICI na bubuksan na raw nila ang kanilang mga pagdinig sa publiko sa pamamagitan ng livestream.
“We don’t have the facility and we don’t have the rules of procedures… In spite of no rules allowing us, we will now go on livestream next week once we will be able to have the technical capability with us already. Again, I repeat we will be doing livestream next week,” ani ICI Chairperson Andres Reyes.