
Hinatulang guilty ang aktor na si Archie Alemania kaugnay sa kasong Acts of Lasciviousness under Article 336 of the Revised Penal Code na isinampa sa kaniya ng Kapuso singer-actress na si Rita Daniela noon.
Ayon sa ulat ABS-CBN News nitong Biyernes, Oktubre 24, pinatawan si Archie ng “indeterminate penalty” ng Office of the City Prosecutor ng Bacoor City, Cavite.
Mahaharap si Archie sa minimum na isang (1) buwan at isang (1) araw na arresto mayor hanggang isang (1) taon at isang (1) araw na haba ng nasabing parusa.
Ipinag-utos din ng nasabing hukuman na pagbabayad ni Archie ng ₱20,000 para sa civil indemnity at ₱20,000 para sa moral damage sa kampo ni Rita.
Matatandaang sinampahan ni Rita ng reklamong “acts of lasciviousness” si Alemania sa nasabi ring Prosecutor office noong Oktubre 30, 2024.
Trauma raw ang dinanas ni Rita na siya rin umanong nagbigay sa kaniya ng lakas ng loob upang tuluyang magsampa ng reklamo, bagama’t alam daw niya na makakaladkad ang kaniyang reputasyon.
“That being a public figure, a contractual artist with reputation to protect, it is very difficult for me to file the instant case but the trauma I was and am experiencing brought about by the incident gave me courage to face the consequences and file the instant case against the respondent,” ani Daniela sa media.
Nangyari umano ang naturang harassment ni Archie sa aktres noong Setyembre nang minsang alukin ng aktor si Rita na ihatid pauwi.
Habang nasa daan daw sila pauwi, ay nauna na raw hawakan at haplusin ni Archie ang leeg at balikat ng aktres, na ayon kay Rita ay labag umano sa kaniyang pahintulot at kagustuhan.
Matapos nito, nagsumite si Archie ng kaniyang counter-affidavit laban sa nasabing kasong isinampa laban sa kaniya ni Rita.
Pinabulaanan ni Alemania ang mga reklamo laban sa kaniya ni Rita, na naghain sa kaniya ng kaso noong Oktubre 30, sa nasabing Prosecutor office sa Bacoor, Cavite.