
Nauwi sa pananapak ang girian at pisikalan sa pagitan ng beteranong forward at dating manlalaro sa PBA na si Arwind “The Spiderman” Santos at power forward ng Gensan Warriors na si Anthony “Tonton” Bringas.
Naganap ito sa naging laban ng mga kupunang Basilan Starhorse at GenSan Warriors sa Game 2 ng South Division quarterfinals match ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) sa Malolos, Bulacan noong Lunes, Oktubre 20, 2025.
Ayon sa naging live ng MPBL, makikitang nagpipisikalan na sina Santos at Bringas sa 8:35 minutos sa 4th quarter ng nasabing laro.
Hindi nakapagpigil si Santos at binigyan niya ng malakas na bigwas sa mukha si Bringas dahilan para matumba siya sa sahig ng court.
Napuruhan at pumutok ang talukap ng kaliwang mata ni Bringas at agad na na-eject si Santos sa basketball court matapos ang marahas na pangyayari.
Samantala, humingi naman ng pananagutan at hustisya ang kampo ni Bringas sa pamimisikal na ginawa ni Santos.
Ayon sa naging post ng asawa ni Bringas na si Julie Anne De Ocampo sa kaniyang Facebook matapos ang insidente, hindi lang basta injury ang natamo ni Tonton.
“This is not just a minor injury. The damage is internal, and according to the attending doctor, there is a risk of vision impairment plus a fractured nose,” ani Julie.
“This is a serious matter. We demand accountability and justice from MPBL,” saad pa niya.
Samantala, wala pa namang inilalabas na pahayag ang kampo ni Santos at MPBL mismo kaugnay sa magiging aksyon nila sa nangyari.