
Nasawi ang isang barangay kagawad at ang kaniyang kinakasama matapos pagbabarilin ng isang suspek na pulis habang sila ay nagmimiryenda sa beranda ng kanilang tahanan sa San Nicolas, Ilocos Norte.
Batay sa imbestigasyon, bigla umanong sumulpot ang dalawang salarin sakay ng motorsiklo at pinaputukan ang mag-live-in partner habang kumakain ang mga ito.
Dead on the spot ang 26-anyos na kagawad, habang naisugod pa sa ospital ang 30-anyos na babae ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay. Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang krimen, ngunit isa sa kanila—na umano’y miyembro ng pulisya—ay nadakip din ng mga awtoridad. Patuloy namang hinahanap ang isa pang kasama.
Ayon sa hepe ng San Nicolas Police, itinanggi ng nahuling pulis ang pagkakasangkot, subalit naisampa na laban sa kaniya ang mga kaukulang kaso.
Isa sa tinitingnang anggulo ng mga awtoridad ay posibleng may personal na relasyon ang suspek sa babaeng biktima, na maaaring motibo sa pamamaril.
Nagpapahayag naman ng matinding dalamhati ang pamilya ng babaeng biktima dahil sa sinapit ng kanilang kaanak.
Patuloy naman ang pagtugis ng pulisya sa isa pang suspek na nananatiling nagtatago.