
Ipinag-utos ni Acting Secretary Giovanni Lopez sa Land Transportation Office (LTO) ang habambuhay na pagkansela sa lisensya ng UV Express driver na nang-araro ng 14 na sasakyan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City noong Biyernes, Oktubre 17.
Ayon sa inilabas na ulat ng Department of Transportation (DOTr) nitong Sabado, Oktubre 17, isa sa mga motorista ang naiulat na namatay at 13 pa ang nasugatan.
“Sa imbestigasyon ng Quezon City Police District at LTO, umamin ang UV express driver na si Ruel Flores Dela Cerna na gumamit siya ng shabu noong Huwebes ng gabi, Oktubre 16, ilang oras bago ang naturang insidente,” anila.
Anila pa, ipinag-utos ni Lopez sa Land Transportation Office (LTO) ang habambuhay na pagkansela sa lisensya ng UV Express driver.
Hindi raw hahayaan ng DOTr ang mga reckless na driver lalo na’t mga gumagamit ng droga na makapagmaneho pa’t malagay sa panganib ang buhay ng mga motorista at pasahero.
“Sisiguraduhin nating hinding-hindi na makakapagmaneho itong UV Express driver na ito. Paulit-ulit ng sinasabi ng Pangulo na dapat ligtas ang ating mga kalsada at mga motorista mula sa mga ganitong iresponsable’t abusadong driver. Kami po sa DOTr ay nagpapa-abot ng aming taos-pusong pakikiramay sa isa po sa mga biktimang pumanaw na,” ani Acting Secretary Lopez.
Ayon pa sa ulat, nakakulong ngayon si Dela Cerna sa Quezon City Police District at nahaharap sa patong-patong na mga kaso.
Bukod dito, inatasan din ni Lopez ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mahigpit na ipatupad ang Department Order 2025-008 na nag-oobliga sa mga operator ng pampublikong sasakyan na isailalim sa mandatory drug testing ang kanilang mga driver, at madaliin na ang pagkumpleto sa Implementing Rules and Regulation (IRR) nito.
Dagdag pa nila, pinatitingnan na rin ng Kalihim sa LTFRB kung maaaring mabigyan ng danyos ang mga biktima sa pamamagitan ng insurance company ng UV Express, na isang PUV.
Ang desisyon ay ayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na papanagutin ang mga mapang-abuso at iresponsableng driver.