
“Once lost to science, this species is found after 130 years.”
Muling nadiskubre ng mga researcher mula sa University of the Philippines (UP) Diliman at Philippine Normal University (PNU) ang isang plant species na 130 taon nang nakalipas nang huling matagpuan.
Ang nasabing pambihirang halaman ay ang Exacum loheri (H. Hara) Klack, na nakitang namumuhay sa limestone forests ng Masungi Georeserve.
Ang E. Ioheri ay muling nadiskubre nina Jayson A. Mansibang, Lawrence Jacob C. Alterado, Aaron Gabriel B. Espinosa, at Erwin M. Blancaflor, habang nagsasagawa sila ng isang pag-aaral sa suso sa “600 steps” area ng Masungi, sa karst forest ng Baras at Tanay.
“Considering its restricted distribution, this species is presumed to be extremely rare and probably threatened at present,” saad ng mga researcher na nakadiskubre sa halaman.
Ito’y dahil ang E. Ioheri ay achlorophyllous o mycoheterotrophic, ibig sabihin, umaasa lamang ito sa fungi para makakuha ng nutrisyon.
Habang kakaunti pa lamang ang nalalaman sa E. loheri matapos ang unang pagkakatuklas dito ng Swiss Botanst na si August Loheri noong 1895, ang muling pagkakadiskubre nito ay nagpapakita ng lubos na mayaman na biodiversity ng bansa.
Gayundin ang importanteng papel ng Masungi Georeserve bilang tahanan ng mga kakaibang halaman sa Sierra Madre, na nanganganib sirain dahil sa layong pagpapatayo ng mga imprastraktura.
Ano ang pahiwatig nito?
Ayon sa mga researcher, bukod sa mayabong na biodiversity ng bansa, ang muling pagkakadiskubre ng E. loheri ay patunay rin na mahalaga ang gampanin ng Masungi sa pagpoprotekta ng endemic species na naninirahan sa Sierra Madre, na nangananib ang pagsira at pagpapatag dahil sa malawakang pagpapatayo ng mga imprastraktura.
“Every year, science reveals more rare and endemic life thriving here — proof that this landscape is irreplaceable,” saad ni Billie Dumaliang, ang Director for Advocacy ng Masungi Georeserve Foundation.
Sa karagdagang ulat, ang Masungi Georeserve ay isang conservation area na matatagpuan sa sa parteng-timog ng Sierra Madre sa Baras, Rizal.
Ito rin ay tahanan ng mahigit 800 undocumented species, 400 na uri ng mga halaman, at mahigit-kumulang 70 na mga hayop na endemic o sa Pilipinas lamang natatagpuan.
Bukod pa rito, ang Masungi Georeserve ay kinalalagyan din ng mga watershed na sumusuporta sa mahigit 20 milyong katao, kabilang ang mga residente na naninirahan malapit dito.